Panginoon, hindi ko alam kung ano ang dadalhin ng mga darating na panahon sa aking buhay
hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga pangyayari sa darating na mga araw, linggo, buwan, taon...hindi ko alam kung sino-sino ang aking makakabangga, makakasalimuha sa hirap o makakapiling sa saya. Sa paglipas ng panahon, para bang hindi ko na rin alam kung ano ang tamang gawin, kung ano ang nararapat na kilos. Hindi malinawan ang desisyon na mas mabuti para sa akin, para sa mga mahal ko sa buhay, para sa iba, para sa iyo.
Sa puntong ito, marami akong hindi nalalaman, dahil hindi ko alam kung ano ang dala ng bukas...
Pero sa dilim na aking hinaharap, dala ko ang aking mga karanasan kahapon, mga karanasang nagpapatunay na ang buhay na akala ko'y akin lamang, iyong ginawang atin.
Tulad kahapon, eto nanaman ako, may hinaharap na hindi malaman kung ano.
Kung maaari lamang ako'y iyong tulungan, basbasan, at minsan pa'y akbayin rin, at
siyang haharaping panibagong yugto ay gawin ring atin.
Amen.